Coke Bolipata Agosto 23, 2008
Posted by ronipe in Biyolin, Musika.Tags: Biyolin, coke bolipata, himig, music, Musika, violin
8 comments
Isa sa mga ibig kong musical instrument ay ang biyolin. Gaya ng halos lahat ng musical instruments, kaya nitong maging malambing at kaya rin maging nakakatakot, at kung anu-ano pang ibang uri ng pakiramdam ang kayang ibigay nito sa nakikinig. Kadalasan, kapag nais kong magpahinga ay nakikinig ako sa mga malalambing na himig ng violin. At ilan sa mga pinakamasarap pakinggan ay ang mga himig ni G. Coke Bolipata, isang napakahusay na manunugtog ng violin na Pilipino.
Una ko siyang napanood sa isang concert ng MSO (Manila Symphony Orchestra), at siya ay ang soloista sa biyolin. Tunay nga namang siya ay mahusay. Pagkatapos ay naghanap ako sa internet ng mga maaaring pakinggang piyesa niya. Hindi naman ako binigo ng imeem (imeem.com). Hanapin niyo lamang dun ang “coke bolipata” ay may lalabas na ilang mga pagtatanghal niya ng mga magagandang lumang awiting Pilipino.
Kung minsan ay wala kayong ginagawa at nais niyo lamang makinig ng mahusay at nakakapahingang himig, subukan niyo siyang pakinggan.
BABUPIMA, 1ng Yugto: Huwag Mahuhuli sa Klase Agosto 21, 2008
Posted by ronipe in babupima.Tags: babupima, bagong buhay, mag-aaral, wag mahuli sa klase
6 comments
Ito na ang unang yugto ng BABUPIMA, o Bagong Buhay sa Pagiging Isang Mag-aaral. Ang tatalakayin sa yugtong ito ay tungkol sa pagpasok sa mga klase sa wastong oras.
Hindi ko maikakaila na ako ay laging nahuhuli sa aking mga pinakaunang klase sa isang araw. Gaya niyo (malamang ay pasaway rin kayo kung binabasa niyo ‘to ngayon), marami rin akong mga dahilan. Nandiyan ang walang kamatayang traffic, ang magarbong pila sa sakayan ng jeep sa SM ng Hilaga, o ang whadda**** na traffic sa Karipoonan, o ang hindi ko kayang bumangon sa lubos na puyat. Tama na, itigil na ang lubos na malikhain nating mga utak sa paggawa ng mga dahilan upang bigyang katuwiran ang pagiging huli sa klase.
May isang napakapayak at madaling kasagutan sa lahat ng ating mga suliranin. Gumising ng higit na maaga. Ang aking tiktilaok na kilala sa tawag na tugbit (o cellphone) ay patitilaukin ko na ng 30 minutong mas maaga kaysa sa nakasanayan.
Idagdag pa rito ay ang pag-iwas sa pagpupuyat para sa mga hindi makabuluhang bagay. Kung hindi naman ito mahalaga, ipagpaliban na lamang at matulog na upang magising ng higit na maaga. Gawin na lang ang kabulastugang ito sa ibang mas naaangkop na panahon. Sa mga mahilig naman sa porn, itulog niyo na lang muna at gumising ng higit na maaga at doon na lang maghagilap ng inyong munting kaligayahan sa internet nang sa pagtapos niyo ay handa na kayong gamitin ang natitira niyong lakas upang kumilos at maghanda sa pagpasok sa paaralan/pamantasan.
Nawa’y ating ugaliin ang pagpasok sa wastong oras dahil ito ay pagpapakita ng paggalang sa ating mga guro. Kahit pa gaano natin kaayaw sa kanila, kailangan e, dahil kung hindi tayo magbibigay galang, hindi rin tayo igagalang ng iba.
Bagong Buhay sa Pagiging Isang Mag-aaral (BABUPIMA) Agosto 21, 2008
Posted by ronipe in babupima.Tags: babupima, bagong buhay, mag-aaral, mag-aral, pagbabago
add a comment
Magbuhat sa ngayon, sisikapin ko nang maging isang mas mabuting mag-aaral. May ilang mga alituntunin akong susundin na aking papangalanang BABUPIMA, o Bagong Buhay sa Pagiging Isang Mag-aaral, upang makamit ang layuning ito. Ang mga ito ay hahatiin ko sa ilang mga yugto (phases) upang maging higit na madali at dahan-dahan ang pagbabagong-anyo – mula sa isang pasaway na mag-aaral patungo sa isang responsableng mag-aaral.
Ang lahat ng aking mga kapwa pasaway ay inaanyayahan ko rin upang tumitino na ang ating mga payak ngunit magugulong mga buhay. Kung kayo ay may mga mungkahi o katanungan, maaaring ipagbigay-alam sa akin.
P.S. (Pahabol na Salita) Kung sino man ang nakakaalam ng totoong Tagalog ng salitang ingles na phase (land development, phase 1), maaaring pakipagbigay-alam sa akin. Marami pong salamat.
Pagsasalin at Pagsulat sa WordPress Agosto 11, 2008
Posted by ronipe in Ang Wika Ko.Tags: english, pilipino, pinoy, salin, tagalog
2 comments
Sa kasalukuyan, kahit pa sabihin nating magagaling mag-Ingles ang mga Pilipino, ang katotohanan ay marami pa ring hirap sa wikang ito. Ang pagiging maka-Ingles ng bansa natin ay tahasang pagtanggal sa karapatan ng mga mamamayang ito na magkaroon ng access sa mga kaalaman na dapat ay mayroon sila. Bilang isang mamamayan na nais tumulong sa mga taong ito, nais kong gawing kaintindi-intindi para sa kanila ang mga bagay na ayaw ipaintindi sa kanila.
Sisimulan ko ang adhikaing ito dito muna sa WordPress. Ang mga kaalamang aking makakalap ay isusulat ko sa wikang Tagalog na naiintindihan ng nakararami. Alam ko na marami pang ibang mga wika sa buong Pilipinas, ngunit ito ang kasalukuyang pinag-aaralan sa kalakhang bansa. Susubukin ko ring tumulong sa iba pang mga Pilipino na nagpupunyaging isalin ng mahusay ang website na ito sa sarili naming dila upang mas higit na maintindihan ng mas nakararaming Pilipino na unti-unit nang nagkakaroon ng access sa internet.
Ang nasabing pagsasalin ay nasimulan ko kaning umaga, at aaminin ko, hindi ito madali. Kahit ako ma’y hindi pa rin sanay makakita ng mga terminolohiyang pang-internet na nakasulat sa wikang Tagalog, ngunit sisikapin ko, kasama ng iba pang mga Pilipino, na gawing likas sa pandinig ng mga Pinoy ang mga salin na aming magagawa.
Kamusta! Agosto 11, 2008
Posted by ronipe in Mga Pabati.add a comment
Kamusta! Ngayon ay ang aking pagsisimula sa pagsulat tungkol sa kahit ano lang sa tulong ng kapangyarihan ng internet. Nawa’y may mapulot kayong mga aral at bagong mga kaalaman sa blog na ito.