jump to navigation

BABUPIMA, 1ng Yugto: Huwag Mahuhuli sa Klase Agosto 21, 2008

Posted by ronipe in babupima.
Tags: , , ,
6 comments

Ito na ang unang yugto ng BABUPIMA, o Bagong Buhay sa Pagiging Isang Mag-aaral. Ang tatalakayin sa yugtong ito ay tungkol sa pagpasok sa mga klase sa wastong oras.

Hindi ko maikakaila na ako ay laging nahuhuli sa aking mga pinakaunang klase sa isang araw. Gaya niyo (malamang ay pasaway rin kayo kung binabasa niyo ‘to ngayon), marami rin akong mga dahilan. Nandiyan ang walang kamatayang traffic, ang magarbong pila sa sakayan ng jeep sa SM ng Hilaga, o ang whadda**** na traffic sa Karipoonan, o ang hindi ko kayang bumangon sa lubos na puyat. Tama na, itigil na ang lubos na malikhain nating mga utak sa paggawa ng mga dahilan upang bigyang katuwiran ang pagiging huli sa klase.

May isang napakapayak at madaling kasagutan sa lahat ng ating mga suliranin. Gumising ng higit na maaga. Ang aking tiktilaok na kilala sa tawag na tugbit (o cellphone) ay patitilaukin ko na ng 30 minutong mas maaga kaysa sa nakasanayan.

Idagdag pa rito ay ang pag-iwas sa pagpupuyat para sa mga hindi makabuluhang bagay. Kung hindi naman ito mahalaga, ipagpaliban na lamang at matulog na upang magising ng higit na maaga. Gawin na lang ang kabulastugang ito sa ibang mas naaangkop na panahon. Sa mga mahilig naman sa porn, itulog niyo na lang muna at gumising ng higit na maaga at doon na lang maghagilap ng inyong munting kaligayahan sa internet nang sa pagtapos niyo ay handa na kayong gamitin ang natitira niyong lakas upang kumilos at maghanda sa pagpasok sa paaralan/pamantasan.

Nawa’y ating ugaliin ang pagpasok sa wastong oras dahil ito ay pagpapakita ng paggalang sa ating mga guro. Kahit pa gaano natin kaayaw sa kanila, kailangan e, dahil kung hindi tayo magbibigay galang, hindi rin tayo igagalang ng iba.

Bagong Buhay sa Pagiging Isang Mag-aaral (BABUPIMA) Agosto 21, 2008

Posted by ronipe in babupima.
Tags: , , , ,
add a comment

Magbuhat sa ngayon, sisikapin ko nang maging isang mas mabuting mag-aaral. May ilang mga alituntunin akong susundin na aking papangalanang BABUPIMA, o Bagong Buhay sa Pagiging Isang Mag-aaral, upang makamit ang layuning ito. Ang mga ito ay hahatiin ko sa ilang mga yugto (phases) upang maging higit na madali at dahan-dahan ang pagbabagong-anyo – mula sa isang pasaway na mag-aaral patungo sa isang responsableng mag-aaral.

Ang lahat ng aking mga kapwa pasaway ay inaanyayahan ko rin upang tumitino na ang ating mga payak ngunit magugulong mga buhay. Kung kayo ay may mga mungkahi o katanungan, maaaring ipagbigay-alam sa akin.

P.S. (Pahabol na Salita) Kung sino man ang nakakaalam ng totoong Tagalog ng salitang ingles na phase (land development, phase 1), maaaring pakipagbigay-alam sa akin. Marami pong salamat.