“Dayo” 5/5 Disyembre 31, 2008
Posted by ronipe in Film Review.Tags: animated film, animation, best sound design, dayo, gumagalaw na guhit, lea salonga, maganda, metro manila film festival, pelikula
4 comments
Ano nga ba ang silbi ng mga pelikula? Para sa akin, ito ay isang uri ng pagkukwento gamit ang kung ano-anong teknolohiya na mayroon sa kasalukuyan. At bilang isang kuwento, kailangan ay may malibang ito. Hindi nagkulang ang pelikulang “Dayo” dito.
Bagama’t hindi na ako isang musmos na bata, nanonood pa rin ako ng mga pelikulang gawa gamit ang mga gumagalaw na guhit. Lubos na ibig ko talagang panoorin ang pelikulang “Dayo,” ngunit sa una’y may kaunting alinlangan dahal baka masyado itong pambatâ. Nagkamali ako. Nakalilibang rin ito para sa mga matatandâ.
Walang eksenang masyadong matagal o mabagal (hmm… Baler… hm… hehe) para ang manonood ay mabagot. Maganda, malinis, at tuluy-tuloy ang takbo ng istorya. Sa pakita nang pelikula na napanood ko sa YouTube noon, medyo nalungkot ako dahil ang konyo ng ibang script ng isang tauhan, ngunit habang pinapanood ko ang pelikula, natuwâ ako dahil nakakatawa siyang elemento, kahit na isang malungkot na pagsalamin sa kalinangan natin.
Nakakamangha rin ang mga nagsipagsikap na gumuhit para sa pelikula. Kuhang-kuha nila ang pagka-Pilipino ng karaniwang nayon sa Pilipinas. Ang mga maliliit na detalye ay hindi nila pinalampas, gaya ng paglalagay ng paskil ng “Ang Huling Hapunan” sa dingding sa lugar kung saan tayo kumakain, at kung ano-ano pa. Pati ‘yung mga kapitbahay, naririyan halos lahat ng makikitâ mo sa labas niyo kung ikaw ay nasa pangkaraniwang pamayanan lamang sa ‘Pinas.
Pagdating naman sa pagpapagalaw ng mga guhit, may naging problema na gaya ng sa “Urduja.” Masyadong madulas ang ibang mga eksena habang ang iba naman ay magaspang, ngunit sa pangkabuuan, napakasandali lamang ng mga ganito sa “Dayo” at higit na maganda ang pagpapagalaw sa kabuuan. Maganda rin ang mga kulay, hindi masyadong matingkad, hindi masyadong nakakaantok.
Isa sa mga bagay na kinaaliwan ko ay ‘yung mga tunog at lapat-himig (soundtrack). Napaigting pa lalo ng paggamit ng surround sound ng pelikula ang kagandahan ng lapat-himig at ng ilan pang mga tunog na maririnig sa pelikula. Huling nakarinig ako ng malawak na paglapat ng himig sa isang pelikulang Pilipino ay iyong sa “Resiklo” na kalahok sa nakaraang Metro Manila Film Festival. Nanghihimasok rin sa tainga ang awit ng pelikula na “Lipad” na itinanghal ni Bb. Lea Salonga at ‘yung isa pang bersyon na itinanghal naman ng Roots of Nature.
Sa kabuuan, sulit at magandang panoorin ang pelikulang ito. Nakatutuwâ na marinig na tumatawa yaong mga bata na nasa likod namin habang nanonood, pati na rin ang kanilang mga magulang. Isa siyang pelikula na kabibighanian ng buong pamilya.



